Showing posts with label bakla. Show all posts
Showing posts with label bakla. Show all posts

Wednesday, November 10, 2010

Trahe de Boda

Share
Trahe de Boda

Napakabata pa natin noon para masabing natagpuan ko na ang pangarap kong bestida. Singputi ng ulap, singlambot ng bulak, singgara ng nagkukumpulang sampaguita sa paanan ng Birheng Maria, at may pangkubli pa sa mukhang singhaba ng banderitas. Bagay na bagay sa mahinhing kilos ng maladyosang nagsusuot nito. Dumagdag pa sa kapinuhan ng dalaga ang tangan niyang kumpol ng mga puting rosas.

Tumatak sa utak ko ang Linggong iyon. Tamang-tama nang inaya mo akong magsimba e kasalukuyan ang seremonya ng isang magarbong kasal. Palibot ang mga malalagong bulaklak sa buong simbahan. Nakapangingilabot ang tiyempo ng koro na noon ko lamang narinig umawit ng lirikong nag-uumapaw sa pag-ibig. Agaw-pansin ang mga sutlang bestida ng mga abay. Gayon din ang barong ng mga kapareha nila. Ngunit, ang labis na pumukaw sa akin ay ang magkapareha sa harap ng pari. Tuon ang lahat ng mga atensiyon sa kanilang bawat sumpa. Ang bawat isa ay animoy sabik sa kung anuman. Bakas din sa mukha mo noon ang kakaibang aliwalas at paghanga. Iyon ang unang kasal na ating nasaksihan. Iyon din ang pinangarap kong kahantungan… natin…

Kahit nung mga bata pa tayo, ikaw lang ang lagi kong kasangga. Basta ikaw ang nagyaya, kanselado na lahat ng aking lakad. Walang kang lakad na di mo ko kasama. Walang malaki o maliit na sikreto ang di mo sinabi. Ngunit di ako naging patas sayo. May pangarap akong lingid sa inaasahan mo. Kahit sa biruan, hindi ako makaipon ng lakas ng loob na magpasaring sayo.

Natatandaan mo ba noong binigo ka ng babaeng tipo mo? Sinamahan kitang makapagpalipas ng sama ng loob. Sa kalasingan natin, sa wakas ay nakapagtapat ako. Nagtanong ka noon kung bakit ni minsan ay hindi man lang ako pumasok sa isang relasyon. Ang sagot kong medyo palihis ay, “Hinihintay ko kasi ang taong magpapasuot sa akin ng trahe de boda”. Tawang-tawa ka sa iyong narinig. Halos maisuka mo ang tatlong bote ng serbesang nainom mo noon. Pero nang mapansin mong medyo napahiya ako sa iyong reaksiyon, nakisakay ka nalang at muling nagtanong. “E sino naman yong taong yon?”. Dahil nasimulan ko na rin lang naman ay tinuloy-tuloy ko na ang pagsamantala sa kapal-mukhang dulot mg alak at buong tapang kitang sinagot, “Sino pa? Edi ikaw!”. Muli, halos gumulong ka sa paghalakhak.

Sa tugon mong iyon ay nahimasmasan ako at biglang binawi ang aking pagtatapat, “Syempre, biro lang yon, ‘kaw talaga!”. Bigla kang naubusan ng kiliti at nagseryoso, “Hindi ko gusto ang ganyang biro, pare!”. Nanaig ang panandaliang katahimikan saka ka muling humalakhak.

Noong mga oras na iyon ay damang-dama ko rin ang iyong pinagdadaanan, kaya nagpadagdag pa tayo ng maiinom. Masmabigat noon sa pakiramdam na naibulalas ko ang aking saloobin kesa noong kinikimkim ko lamang ito. Pagkatapos ng pag-amin kong iyon ay may dagdag pangamba pa akong maaring magkalamat ang ating samahan. Mabuti na lamang at mukhang magkasamang naglaho ang tama mo sa alak at ang ala-ala mo sa gabing iyon.
Mula noon, ibinaon ko na lamang ang pangarap kong walang pagkakataon, kailanman, na mabigyang katuparan. Ang pangarap kong hindi moral sa mata ng lahat, lalo na sa akin mismong pangarap.

http://maquoleet.blogspot.com

Monday, June 7, 2010

Sa Likod ng Pagluluksa

Share
Sa Likod ng Pagluluksa
Habang ang mga naulila ay nagluluksa sa hindi inaasahan o mahirap tanggaping pagpanaw ng isang mahal sa buhay, may mga kwento sa likod nito na hindi man akma ay nakasanayan nang gawi ng mga Pinoy.
Sa mga probinsya, lalo na sa gawing hilaga at Gitnang Luzon, pag may sumakabilang-buhay, parang may pagdiriwang ang mga tagpo. Dadagsa ang mga manlalamay na hindi mo aakalaing makaaamoy ng patay dahil sa ikatlong-baryo pa nilang layong pinagmulan. Agad ding lalaki ang kumusyon ng mga manunong-it at majongera mapalalaki man o babae, mula sa pinakayagit na paslit hanggang sa pinakaugod-ukod na seniors.
Kuntodo porma naman ang mga kabataang nakikiusyoso. Pano ba naman ay tila nagagalak ang mga nawalan dahil espesyal ang arkila sa funeral service, may kasamang kumbo. Sino ba naman ang magpipigil umindak kung ang kanilang tinutugtog ay mga usong dance craze. Maupuna rin ang mga naglipanang ikatlong kasarian, badings to be exact, dahil lipana rin naman ang mga kalalakihan na halata namang naghahanap ng palipasan.
Sa dinami-dami ng mga manlalamay mula sa unang gabi lalo na sa kahuli-hulihan, sa malamang naman ay sampung porsyento lamang sa mga ito ang may taos-pusong pagluluksa at pakikiramay na pakay sa pagdalo. Ang mga natitira ay pihadong ni hindi man lang nakatapak sa salas ng bahay o sumilip man lang sa yumao. Panay naman ang tayo upang mag-ihi-ihian ng mga liyamado sa peryahan, este tong-itan at swimming (majongan), upang makaiwas pusoy, as in “tong”.
Bihira na nga lang sa mga pabisita-effect na dumadalo ang mag-abot ng abuloy sa mga pobreng iniwan, hindi pa mabawas-bawasan ang kanilang di-mahulugang-karayom na bilang hangang hindi natitikman ang lahat ng mga putahe-ng-gabi, (kape, sopas, aroz caldo, biscuit, mani, butong-pakwan, atbp.) na kultura nang responsibilidad ng mga kaawa-awang naulila.
May mag puntong nagkakapikunan na ang mga manginginom kung kaya naman may dahilan nang gumilid-gilid ng mga kabataan sa may kadiliman sulok upang magparaos, este magpababa ng tension, (malamang pati ng temperatura sa katawan). Sa muli nilang paglitaw sa liwanag, mapapansing kakalahati hindi lang ang kanilang mga lakas-sa-katawan kundi pati ang bilang. Ang ilan kasi ay nagsiuwian na nang walang paalam dahil tagumpay na nga naman sa kanyang misyon.
Kapag ang mga bading ay makikitang malapit sa mga musikero at tauhan ng servicio-funeral, asahan mong magkikita ulit ang mga ito sa susunod na piyestahan, este lamayan dahil piniga ng mga ito ang impormasyong kailangan upang makumpleto ang schedule ng susunod na rampa-de-lamay.
Ang tiyak naman sa mga mapagmalasakit na manlalamay ang pagmukaing santo ang yumao, kahit siya pa man ang pinaka katakwil-takwil na residente ng barangay, sa pamamagitan ng pagsala sa mabubuti nitong nagawa nong siya’y nabubuhay pa.