Sunday, December 16, 2012

Na-Block ang ATM ko!

Share

Na-Block ang ATM ko!


Maaga ang uwi ko ngayon. Hindi dahil sa day off at hindi din dahil sa weekend kasi. Yun ay dahil umabsent kasi ang katropa kong mahilig sa after-shift gala.


Walang kemi kong hinarurot ang pagrampa paterminal ng bus pauwi. Atat akong umuwi upang kalikutin ko ang bagon-bago kong susyaling napakaganda't kinanaiinggitan kong Cherry Mobile "Flare". Oo, bonggang-bongga ito. Nang makasakay ako at iniisa-isa na ng kundoktor ang mga bagong upo,  kinalkal ko na ang aking kayamanan sa bulsa ng pangmayaman kong bag. Hugot dito, hugot doon. Dukot dito, dukot doon. Paandar na ang bus nang matanggap ko sa sarili ko ang katotohaang hindi ko nararamdaman kahit hibla na aking mamahaling coin purse na naglalaman ng limpak-limpak na mamiso, tiglima, tigsampu at kung di ako nagkakamali ay may bilang na piraso ng mga bentyingko at tigdyis doon. Habang ang isa pang dekalibreng coin purse na kasama niya ay naglalaman lang ng walang kakwenta-kwentang 500 peso bill at tatlong 100 peso bills. Sa makatuwid,  ang kabuuang nilalaman lamang niya ay tumataginting na walong daang libong piso. Opo,  kasya yun sa isang dekalibreng coin purse,  pangako. Medyo may kabigatan din ang walet dahil laman din niya ang aking ATM na hindi pa bawas sa bagong pasok lamang na half of 13th month pay at makapal na mukang nakalamineyt sa aking voters ID.


Bago pa man makalayo ang bus,  nagdeklara na ako ng state of bankrupcy. Agad kong pinuntirya ang pinto ng bus palabas at lutang sa ere kong binaybay ang kahabaan ng EDSA Ortigas patungong North Ave. dahil wala akong pamasahe. Nang matisud ako sa nakausling tiles, naalimpungatan ako at napagtantong mula Robinsons Galleria to Eton Cyberpod lang pala ang aking nilakbay (for my readers abroad, it means across the street away). Blanko ang aking isip sa kung saan ko sisimulan ang pag-iimbistiga sa Kaso ng Nawawalang Pag-asa este coin purses (plural, dalawa e).


Sumakay ako ng elevator to 3rd floor papuntang locker room. Opo door-to-door maghatid ang elevator namen, hanggang locker talaga, pangako. Syempre chinek ko sa locker ko (alangang sa locker ng ka-opis ko) pero wala. Bumalik ako sa production floor at chinek isa-isa ang bawat station na ginalaan ko pero, maiba lang, wala pa din.


Ichinika ko na sa mga katrabaho kong nandon ang aking sinapit. Pinayuhan akong i-check sa pantry dahil doon kami huling galing o sa training room dahil don kami una bago sa pantry. Duda man ako ay nagbakasakali na rin ang lola mo (ako yun, syempre). Gaya ng inaasahan, wala din. Payo din ng mga concern citizen kong opis-mates na ireport ko na sa bangko dahil isang swipe lang sa malls ang katapat ng aking kayamanan. Nataranta naman ang lola mo habang 6:30am pa lamang at tiyak na wala pang mall sa Pilipinas ang bukas sa mga oras na iyon.


Nakitawag ako sa frontdesk phone pero wala silang number ng banko ko. Sinubukan ko sa ibabang floor at tagumpay,  nakatawag ako sa banko. Nakailang mura din ako habang naririndi sa pauli-ulit na tugtog ng hold music bago ko nakausap ang representative na umasikaso sa kaso ko.


Kung di ba naman kupal hinahanap ba naman ang aking account number na nakaimprinta malamang sa card kong nawawala. Kung mamalasin ka pa, down ang system na pang-pull up ng account by name. Habang chinichika ko sya para sa alternatibong paraan ng paghugot niya ng aking account swerteng gumana na ang kanyang system at binirepay na ang aking birthday, mother's maiden name at address. Nang mapatunayan ngang lihitimo ang aking pagkatao ay

tuluyan niya na akong inilagay sa hawak (put on hold) upang iproseso ang permanenteng pagkakansela ng aking ATM.


Habang gumigiling ako sa saliw ng tugtuging "UnionBank Hold Music", nauulinigan kong ibinu-broadcast ng ground floor DJ este guard and aking pangalan sa radyo ng front desk attendant. Tinawag ko ang atensiyon ng ate at sinabing ako yung binabanggit sa on-air pabati. Tiningnan niya ang aking ID at kinumpirmang tapat ang aking pagbubunyag. Natagpuan na pala ang aking mga nawawalang epektos slash kayaman sa Lunch Pod, yung kainan sa baba ng aming gusali kung saan ako nag-lunch bandang 2am-3am (tama, "lunch" yun sa madaling araw). Iyong fine dining na yun sana ang aking unang pupuntahan pagbalik ko sa building dahil doon ko laman huling naalala na hawak ko ang mga wallets ngunit nakapaskil na ang karatulang "Closed" sa pinto nito at walang makitang gumagalaw sa loob kaya dumiretcho na lang ako sa opis.


Hindi ko naman maiwan ang telepono dahil naeenjoy ko na ng tugtog ng Hold, charot, dahil nagbabakasakali akong mai-reverse pa ang blocking na aking ATM pagbalik sa akin ng representative na kausap ko. Sa kasamaang palad, gaya ng nabanggit, permanente na ang proseso at ang natagpuan kong ATM ay magsisilbi na lamang na isang simbolo ng bank souvenir.


dali-dali na akong bumaba upang i-claim ang aking mga pag-aari. Kinatok ko ang pinto ng kainan dahil kita naman mula sa labas na may tao na.  tanaw ako mula sa loob dahil salamin naman ang ding-ding. Sumenyas si ang counter upang pumasok ako. Agad niyang iniabot ang aking mga pitaka. Kasabay naman noon ang aking walang humpay na pasasalamat. Nang maiabot na niya sa akin ang mga wallets, nabanggit niyang mabuti na lang at may naiipit akong ID doon. Humingi pa sya ng paumanhin dahil may nakita daw syang hindi dapat makita. Napatid ang aking pagpapasalamat dahil sa kanyang binanggit. Napaisip ako kong may maitago ba ako doong nude photo ko doon o ng aking mga kahumaling sa Planet Romeo ngunit hindi ko namna matandaang nagkaroon ako ng mga ganon sa buong buhay ko, so negative. Sinabi ko nalang sa kanyang, OK lang yon, napulot ko lang din yun. Sa isip-isip ko, doon ko pala naitago ang aking proteksyon kontra pagka-buntis, ang give-away ng mga bekla sa entrance ng Starlites. Ang dalawang mahiwagang sachets na itago nalang natin sa mga bansag na Water Soluble Genital Lubricating Agent at Gomang Supot na Saplot ng Haring Tigasin. "Oh my holy cow!". Kung bakit ba kasi ako likas na makakalimutin.


Matatandaang namutakti din sa sympathetic comments ang aking FB post tungkol sa naibalik kong coin purse na naglalaman ng mahigit isang libong milyong piso mga ilang bwan na din ang nakalipas. Oo, kasya talaga yun don ang halagang  iyon, pangako. Ang wallet na iyon na naisauli sakin mula sa Jollibee Eton Cyberpod ay isa rin sa mga wallet na naibalik sa akin ng Luch Pod Eton Cyberpod.


Hindi ko alam kung anong swerte ang bumabalot sa biling-Divisoria kong wallet na iyon at bumabalik at bumabalik talaga sya sa akin kahit ilang beses ko na syang kinalilimutan. Mabuti na lamang at laking pasapsalamat ko na naiiwan ko sya sa mga lugar ng matatapat. Sa mga lugar na hindi ka matatakot makaiwan ng mahahalagang gamit dahil alam mong edukado ang mga tauhan at may sapat na pagsasanay katapatan at integridad. Mabuti na lamang talaga at hindi ako basta-basta kumakain sa basta-bastang kainan hahahahaha, Charot! Ang problema ko ngayon ay kung paano ako kakain, sarado ang bangko ng weekends upang mag-over the counter o ipagawa ang aking replacement card, habang paubos na ang aking nalalabing kayamanan. Nga-nga!