Monday, September 26, 2011
Trak-trakan!
Share |
Naging masmadalas na ang pagsumpong ng sakit sa puso ni Carl nitong mga nakaraang araw. Sa pinakahuling atake ng sakit nito ay kinailangang lumiban siya sa klase ng dalawang linggo upang magpaggaling sa hospital.
Bihira lang siyang makalabas upang makipaglaro sa mga bata sa kalye sa tapat ng bahay nila, dahil nakasasama sa kanya ang mapagod. Awang-awa ang mga magulang ni Carl sa kanya ngunit wala naman silang magawa dahil hindi naman ganoon kasapat ang pinagsamang kita ng kanyang ina sa pananahi at ng kanyang ama sa paextra-extrang pagmamaneho ng taxi upang tustusan ang kanyang paggagamot. Napakainosente pa niya para maagang danasin ang mabigat na pagsubok sa buhay. Pinayuhan pa ang kanyang mga magulang ng doktor na pansamantala muna nilang ihinto sa pag-aaral ang bata dahil makadaragdag lang sa pagsama ng kalagayan nito ang nalakalilitong palaisipan o pagsusulit sa eskwela.
Ganoon pa man, nakakikitaan ng kasiyahan si Carl sa araw-araw na simpleng pag-aabang sa makulay na Delivery Truck ng convenient store malapit sa kanila. Humihinto iyon sa kantong tanaw mula sa salas ng bahay nila, tuwing bandang ika walo ng umaga. Iyon kasi ang oras ng pagrarasyon nito ng produkto sa tindahan. Responsableng humihinto ang sasakyan upang sundin ang batas trapiko. Ngunit matulin naman itong humaharurot pagkapula ng ilaw na siya talagang inaabangan ni Carl. Natutuwa kasi ito sa mahusay na pagmaneobra ng drayber nito sa mga biglaang pag-liko at maagap na pag-hinto kung may mga hindi inaasahang pedestriyang tumatawid.
Batid ng mga magulang ni Carl ang bihira at mangilan-ngilang pagkakataong bumubuka ang mga labi ng anak upang ngumiti. Paraan niya iyon upang bigyang-pugay ang paghanga sa Dilivery Truck. Hindi man niya masambit sa mga magulang na ibig niyang magkaroon ng trak-trakan bilang kalaro sa loob ng bahay, halata iyon ng kanyang mga magulang. Kaya naman palihim nilang pinag-iipunan ang malaking trak-trakang pinagmamasdan nito sa malapit na toy store sa kanila. Isa pa, makatutulong sa kanyang mabilis na pag-buti ang palagiang pagsasaya ayon sa payo ng doktor. Kaya kahit sa simpleng pagbibigay ng bagay na kanyang ikatutuwa ay sa ganoong paraan na lang bumabwi ang kanyang mga magulang, hindi kasi nila kayang suportahan ang kanyang mahal na gamutan at operasyon sa puso.
Nag-iisang anak si Carl at mahal na mahal siya ng kanyang ama’t ina. Kung magkakaroon lang sana sila ng magandang pagkakataon upang bigyan ng magandang buhay ang kanilang anak, walang pagdadalawang-isip nilang susunggaban ito. Ngunit hindi iyon ganoon kadalin para sa kanilang parehong hindi nakapag-aral.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, humina nag benta ang convenient store na malapit sa kanila. Naging dahilan iyon ng madalang na pagdaan ng Delivery Truck na inaabangan ni Carl. Matiyaga pa rin siyang nag-aabang araw-araw upang sakaling mapadaan ang makulay na truck, ngunit naging masmadalang pa ang pag-daan nito. Bakas na sa mukha ni Carl ang unti-unting pagkatamlay. Nag-aalala ang mga magulang nito dahil nagsisimula palang sana siyang bumuti, ay saka naman muling lumala ang kalagayan ng kanilang anak. Hindi pa man sapat ang naiipon ay sinubukang bilhin ng ama ni Carl ang laruang truck sa toy store. Walang ibinaba ang presyo nito mula noong una nilang makita at kapos talaga ang dalang pera ng kanyang ama upang maiuwi ang laruang maaaring makpag-balik sigla sa kanilang anak. Bigong umuwi ang kanyang ama. Malaking halaga pa ang kulang upang mabili ng mag-asawa ang laruan. Hindi pa rin dumadaan ang makulay na truck at hindi na maipagkakaila ang lungkot sa mukha ni Carl.
Muli na na namang umatake ang sakit ni Carl. Hirap siyang huminga at kailangan niyang makainom ng mamahaling gamot na laging reseta ng doktor. Ang perang naitatabi nila upang bilhin ang laruan ay higit na salat upang bilhin ang kailangan nitong gamot.
Nang bahagyang humupa ang kalagayan ni Carl sa paghehele nilang mag-asawa, gumayak ang kanyang ina at walang-paalam na lumabas ng bahay. Dala niya ng perang inipon nilang mag-asawa. Magdidilim na nang siya’y makabalik, dala ang malaking kahon. Binili ng ina ni Carl ang malaking trak-trakan na matagal ng pangarap laruin ngkanilang anak. Mahimbing na nagpapahinga ang anak kaya nagpasya ang mag-asawang kinabukasan pag-gising ng anak nalang nila ibibigay ang ang regalo.
Dahil sa pagtataka kung paano nabili ng asawa ang laruan, tinanong ng ama kung saan kinuha ng ina ang pinangdagdag sa ipon. Ipinaliwanag daw nito sa may-ari ng tindahan ang kalagayan ng anak at ang tungkol sa perang mayroon lamang siya. Naawa ang may-ari ng tindahan at naunawan ang kanilang kalagayan kaya pumayag itong pagtrabahuhan nalang ng pobreng ina ang kulang sa pambili ng laruan. Iyon ang dahilan kaya madilim na itong nakauwi.
Kinabukasan, maagang nagising si Carl at kaagad nag-abang sa salas sa Delivery Truck. Perpekto ang pagkakataong iyon dahil kita ang pagkasabik ng bata na parang ramdam nitong daraan sa araw na iyon ang paborito nitong sasakyan. Sabay sanang ibibigay ng mag-asawa ang laruan sa anak ngunit maagang umalis ang ama. Dahil sabik ding makita ng inang muling ngumiti ang anak, nilapitan niya ito at saka marahang tinawag sa kanyang pangalan. Paglingon ng ni Carl ay bumulaga sa kanyang harapan ang malaking kahong tangan ng kanyang ina. Nandilat ang mga mata nito sa pagkabigla, saka agad sinundan ng malaking ngiti. Mabilis nitong inabot ang kahon mula sa kamay ng ina. Halos kasing-laki niya ito. Walang segundo itong inaksaya at agad niyang binuksan ang kahon upang ilantad ang malaki at makulay na trak-trakan mula sa loob nito. Nagtatalon si Carl sa tuwa at biglang yumakap ng mahigpit sa ina. Bilang lamang sa mga daliri ang pagkakataong bumibigkas si Carl. Kaya noong pagkakataong iyon na bigla siyang napabulalas ng “Salamat po, nanay!” mula sa ilang araw ng kaniyang malungkot na pananahimik, ay parang kinurot ang puso ng kanyang ina sa tuwa at hindi nito napigil ang pagbagsak ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Niyakap siya ng mahigpit ni Carl at gumanti naman ng yapos ang ina.
Sinabi ng ina sa anak na matagal nilang pinag-ipunan iyon ng kanyang ama. Hindi mapigil sa pagkaabala si Carl sa kalalaro ng kanyang bagong trak-trakan. Nasabik itong ipagyabang sa mga bata sa labas ng bahay nila kaya matulin itong tumakbo palabas buhat-buhat ang laruang trak. Pagkatapak nito sa kalye ay inilapag niya ang trak at saka ipinagmalaki sa mga batang dati niyang kalaro. Itinulak-tulak niya ang laruan at umandar ito papunta sa gitna ng kalye. Hinabol niya ito ng matulin. “Blaaaaaaagggghhhh!”
Malakas ang pagkalabog. Sunod noon ay malakas na paghiyaw ng isang ale. Malakas na hiyaw na may halong takot at kaba. Ang ina ni Carl ang sumigaw. Tumilapon ang katawan ng bata sa gilid ng kalye. Nagkalat ang wasak na mga bahagi ng makulay na laruan. Duguan si Carl. Halos hindi makahakbang na nilapitan siya ng kanyang ina. Naghihingalo pa ang bata habang hawak ang isang gulong ng laruang trak.
“Carl, anak, nandito na si nanay…” nanginginig nitong sambit habang dahan-dahang dinampot ang lupaypay na si Carl.
“Anak, maglalaro pa tayo ng trak-trakan diba? ‘Wag ka muna matutulog ah…” lumuluhang sabi ng ina sa anak.
Pilit, ngunit sinubukang sumagot ni Carl ng ngiti sa kanyang ina. Pagkatapos noon ay dahan-dahang sumara ang kanyang mga mata, at tuluyang bumitaw sa hawak na gulong ng laruan.
Bumukas ang pintuan ng Delivery Truck na nakabundol kay Carl. Lumabas mula sa driver’s seat ang kanyang ama. Maagang umalis ang ama ni Carl upang makiusap sa kumpanyang may-ari ng Delivery Truck na imaneho niya ang makulay na sasakyan kahit sa araw lang na iyon. Ikinuwento kasi niya ang kalagayan ng kanyang anak kaya pumayag ang may-ari nito. Nanlulumo siya’t lumuluhang lumapit sa kanyang mag-inang nasa gilid ng kalye… nagkalat sa kalye ang mga bahagi ng wasak na trak-trakan!
Ang maikling kwentong ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 3
( www.saranggolablogawards.com )
T_T
ReplyDeletegoodluck sa entry mong ito..
*hikbi*
huhuhu kaiyak
ReplyDelete