Friday, October 30, 2009

Darna-darnahan

Share
“Darna-darnahan”


“Darna!” Umalingawngaw ang perpektong-perpektong pagkakatili sa napakamakapangyarihang pangalang tila ibininyag pa sa ibayong planeta pagkatapos lulunin ang malakamaong tipak ng hindi kaputiang bato. Kasunod nuo’y tumalukbong ang makbutas-ozone-layer sa kakapalan ng nangingitim na usok sa dalagang itinitirik lamang ng saklay na yari pa sa yantok. Pagkalipas ng mga labing-limang minuto (oras na sapat lamang upang kumilos ang mga mahihiwagang make-up artist, taga-kulot, at costume in-charge upang hiwagain ang pagpapalit anyo ni Narda), ikinumpas-kumpas na ni Ding ang higanteng pamaypay upang hawiin ang bumabalot na usok sa isang pigurang halata sa pagpipigil ng ubo. Unti-unting lumilinaw ang pagkapula ng two-piece at boots na tanging saplot sa napakaperpektong kurba na hubog ng nagliliyab sa kapangyarihang superhiro. Nagkukumintab din ang mga gintong palamuti ng kanyang sukat-na-sukat na kasuotan. Pusturang-puatura ang bida-bidahan sa pagbabagong anyo mula sa kaawa-awang pilantod sa may-katangahang superhiro. Upang makasigurong ligtas, isinaulo nito ang palagiang pagsusuot ng helmet upang maiwasan naring matiketan ng mga kotong-cops sa kanto sa pagmamaneho ng motorsiklo sakaling sumpungin ito ng biyahilo sa himpapawid. Sinisiguro naman ng mga gintong bagwis nito sa nuo na palaging ulo ang nauuna sa pag-take-off. Habang kapuna-puna naman ang kaniyang malabandanang kapa na kaduda-dudang lumalawit sa gawing ibaba ng pusod nito samantalang wumawagayway sana ito sa likod ng superhiro tulad ng sa kaibigan nitong si Captain Barbell. Nagawan naman ng paraan ang maluluwang nitong pulseras sa pamamagitan pagsusuot na lamang nito sa parteng braso upang sumakto sa sukat nito. In fairness naman sa mga galbanisadong yero nito sa kamay at high-heeled boots, mukhang magkakapares naman ang mga ito.


Gaya ng inaasahan, nagbagong anyo ang api-apihang si Narda upang maging tagapagligtas ng mga kinakati, este, inaapi. Nagsimula nang magmanipesto ang kapangyarihan ng superhiro nang bumulusok ito paitaas habang nagkukumatog ang mga tuhod ng naiwanang si Ding sa pag-aalala kung paano s’ya uuwi mag-isa pabalik sa Huspicio de San Martin, ang bahay-ampunang tinutuluyan nila gayong tatlo’t kalahating Segundo nalang ang nalabi ay maghahating-gabi na. Nang maisip nitong malaking tulong bilang sandata sa makakasagupa sa daan ang iniwang yanto-slash-saklay ni Darna, nagtapang-tapangan itong humarurot pauwi sa lilimang-dipa na lamang palang layo ng bahay-ampunan.


Samantala, dahil nahigop ng mga halimaw ang bahagi ng kapangyarihan ng hindi kaputiang bato sa huling sagupaan nila ni Darna, naantala ang pagdating nito sa crime scene dahil humina ang pakiramdam nito sa pagsagap ng lokasyon. Nang maipagtanong na nya ang lugar sa mga paniki at kuwagong nakasalubong, dali-dali itong tumungo sa harap ng simbahan kung saan naghahasik ng lagim ang babaing kinambalan ng impakta. At nakarating nga si Darna sa lugar matapos mag-U-turn ng mga dalawang bayang distansya ng paglampas dahil pabasa pala ang pinag-uumpukan ng mga tao sa maling simbahang tinungo nito. Dahil natimbrehan na si Impi AKA Impakta ng mga alagad nitong paniki at kuwago, nakasibat na sila ni Roma, ang babaeng kinakapitan ng parasitong impakta, bago pa man mag-landing si Darna sa lugar. Masakit mang sabihin ngunit huli na si Darna. Naabutan na lamang nito ang mga nagkalat na bakas ng karumal-dumal na kahayupan ni Impi. Dahil kilala si Impi bilang taga puntirya ng mga puso, iniwan nitong wasak ang dibdib ng mga tindera ng night market kasama ang mga nabilasang isda dahil nga walang-awang pinagkakain ni Impi ang mga puso... ng saging na s’yang pinakamahal na gulay sa bayan sanhi ng mataas na demand nito. Walang magawa sa paninikip ng dibdib ang mga naluging tindera kundi pagbabatuhin si Darna ng mga over-riped na kamatis na singpupula ng helmet, boots, at two-piece nito.


Mula sa makabayaning tikas ni Darna na di alintana ang kritisismo ng mga taong-bayan, labis itong nagulumihanan habang hindi lubos maisip ang katotohanang si Impi pala ay isang vegetarian. Upang hindi maaksaya ang effort ng mga mahihiwagang tagapagbagong-anyo ni Darna, ipinamalas nalang nito ang makapigil-hiningang pag-ilag at pagsalo sa mga kamatis na ipinupukol sa kanya nang mapansin nitong nakatutok sa kanya ang mga lente ng camera ni Gabriel, ang photo-journalist ng dyaryong “Siklab”. Tiyak na naman ng superhiro na siya padin ang bida sa paglathala ng pahayagan kinabukasan.

Kalaunan ay nabalitaang ikinamatay din ni Impi ang pagkaimpacho sa labis na sustansyang nakuha nito mula sa mga puso ng saging na pinaglalantakan nito sa bayan. Hindi na niya nagawang itakbo ang sarili sa laboratoryo ni Doctor X dahil tinatamad ang kakambal-tuko nitong si Roma. Kusa naming humiwalay ang katawan ni Roma kay Impi ng mabulok ang kakambal at mula noon ay nagbagong buhay na s’ya at nagsimula nang manirahan sa simbahan kasama si father.


Nagsumiklab ang galit ni Babaeng Tuod nang malamanng namatay na si Impi na dating masugid na nananahan sa mga sanga nito. Liban kasi sa pagkawala ng pinakatapat niyang boarder, maaaring isa-isa na ring magsi-alisan ang mga alagad nitong paniki at kuwagong dumadapo sa mga tuyo nitong sanga na nag-iiwan ng mga masasangsang nilang dumi na nagsisilbing patigang ng mga balat nito.


Sumalakay si Babaeng Tuod sa kabayanan at pinagapang nito ang mga ugat sa buong paligid at pinausli ang mga sanga mula sa mga pader na tunay ngang gumambala sa katahimikan ng bayan. Sa mga oras na iyon ay kasalukuyang isa-isang binabalahibuhan ni Darna si Babaeng Lawin sa kalawakan habang madamdaming pinagsasalit-salit ang mga katagang “He loves me… He loves me not!”. Nang nasa huling balahibo na ito at akmang pabor sa kanya ang magiging resulta ng sagupaan, ginulantang siya ng malakas na kalabog sa bubong bunga ng pagkabalibag dito ng hindi kaputiang bato. Ginawa iyon ng Engkantadang Gabay ni Darna upang mahimasmasan ito mula sa mahimbing na pagkakatulog habang nananalanta si Babaeng Tuod sa kabayanan ng San Martin. Sa gulat na tinamo ni Narda, dali-dali niyang bibulalas ang sagradong linyang “Ay kabayo!” at hindi namalayang nadampot nito ang tumagos mula sa kisameng bato at saka nilunok nang hindi pinapagpagan ang alikabok nito. Iniuutos ng isip nitong isigaw na ang password ng pagbabagong-anyo ngunit bumara ang bato sa ngala-ngala niya kaya't kinailangan pa niyang kapain ang baso ng tubig na nasa mesang katabi niya. Agad-agad nitong ininom ang tubig na pinagbabaran ni Donya Perpekta ng pustiso, bago sana ipangmumog, upang maipadulas lang ang bato hanggang sa lalamunan ni Narda. Upang makasigurong nakasisigaw na nga siya nang malinaw, nag-vocalize muna si Narda ng “Mihiyo-ho-ho-ho-ho!” mula sa pinakamababang notang maaawit nito hanggang sa pinakamataas na notang “do”, habang kikumpasan naman siya ng Engkantadang Gabay ng 4/4. Ngunit dahil nagsimula nang kumalat ang mikrobyo ng hindi-pa-nasipilyuhang pustiso ni Donya Perpekta sa vocal cords ni Narda, kinapos ito ng mga tantiyang half note sa pagsigaw niya ng makapangyarihang taguri, ang “Darna”. Gayumpanan, tagumpay ang mga mahihiwagang tagapagbagong-anyo sa kanilang trabaho. Medyo manipis nga lang ang pagkakapahid ng pink blush-on sa mga pisngi ng superhiro. Hindi na ito nahalata ni Darna dahil sa kapal ng usok na tumabing sa life-size pa man ding salamin niya sa kuwarto. Nagmamadali siyang lumipad patungo sa direksiyon ng Babaeng Tuod.

At dahil na rin sa inaasahang kakuparan ng bida, wala ng natitirang nakatindig na gusali sa kabayanan kundi ang ugatang si Babaeng Tuod na siyang dumurog sa mga iyon. Dahil sa natural na busilak ang kalooban ni Darna, hindi niya magawang kamuhian si Tuod. Sa halip ay namangha at humanga ito sa malasining na hubog ng Tuod. Nais na sana niyang i-donate ang tuod sa Paete upang hugising rebulto ngunit naalala nito ang mga dumadaming orkidyas sa hardin ng Huspicio na kanyang masipag na dinidiligan araw-araw. Nakuha pang magpaalam ng magalang na bayani kay Tuod upang umalis panandalian. Dahil likas na hindi mainipin ang Babaeng Tuod, nanatili siya doon habang hinihintay ang pagbabalik ni Darna tutal naghintay na din naman siya kanina. Isa pa, wala na siyang natitirang pipinsalain pa.


Sa pagbabalik ni Darna ay pasan na nito ang mga bagong sibol na mga orkidyas at isa-isa niya kaagad ikinapit sa tuod ang mga ito mula ugat hanggang sanga. Hindi na nakapalag ang tuod nang higupin ng mga ugat ng orkidyas ang mga sustansya nito sa katawan na unti-unting ikinamatay ng Babaeng Tuod. Pagkatapos noon ay nagsiusbungan ang mga makukulay at mahahalimuyak na bulaklak ng orkidyas. Tamang-tama naman ang mga iyon para sa nalalapit na undas.


Agad namang kumalat ang balita tungkol sa masaklap na sinapit ng Babaeng Tuod. Nakaratig ito kina Babaeng Linta at Valentina, ang Babaeng Ahas. Ipinaubaya na lamang ng Babaeng Linta kay Valentina ang pahihiganti dahil wala siyang ganang kalabanin ang babaeng mas-sexy pa sa kanya. Pag-aaralan pa nitong sumipsip sa taba maliban sa dugo upang ma-lyposucksion niya ang sariling balakang. Saka na lamang niya sasagupain si Darna kung nagtagumpay na itong mag-cover sa prestihiyosong men’s magazine, ang FHM. Ngunit matutunan man niyang i-lypo ang sarili ay kakailanganin pa din nito ang pinagsanib na botox at injectable colagen power nina Vicky Belo at Dr. Calayan upang ihulma ng pino ang malalinta nitong kutis.


Samantala, sinabayan pa ng nagngingitngit nag galit ang selos ni Valentina kay Darna dahil nahuhumaling dito ang sinisintang si Eduardo. Namula sa panlilisik ang mga mata ni Valentina at hindi naman mapakali sa paglilikot ang mga ahas nito sa ulo hanggang sa magkandalawitan ang mga dila ng mga ito nang magkasakalan sa pagkakabuhol-buhol. Bago pa man mabulok sa kanyang tuktok, pinagbubunot ni Valentina ang mga namatay sa kalikutang ahas nito sa ulo.


Hindi pa man sumasalakay si Valentina ay nanggugulo na sa kabayanan ang Bazooka Gang. Hinoldap nila ang isang bangko kung saan ay kasalukuyang nagdedeposito si Eduardo ng limpak-limpak na kick-back niya mula kay Dr. X, ang umampon sa kanya. Tamang-tamang kakakandado pa lamang noon ng kaha de yero kung saan isinilid ang deposito ni Eduardo ng hablutin siya ng isa sa mga holdaper at ginamit bilang hostage. Napilitan na sanang buksan ng kahera ang kaha de yero ngunit hinimatay ito sa pangangatog nang tutukan ng holdaper ng bazooka. At dahil wala nang mapapakinabangang yaman sa bangko sapagkat nawalan na ng ulirat ang tanging susi sa selyadong kaha, idiniklara nalang ng hostage-taker na rape ang mangyayari. Sa pagkabigla sa makatanggal-puring narinig, si Eduardo naman ang sunod na hinimatay habang yapos ng maskuladong braso ng barakong hostage-taker. (Sobrang cheezee talaga!)

Sakto namang napadpad ng bayan ang iika-ikang si Narda upang isangla ang kanyang bato malapit sa bangko dahil nais nitong bilhin ang bagong modelo ng stainless na saklay. Panay naman ang pigil ni Ding sa desisyong iyon ng depektibong kaibigan dahil alam nitong masmabigat ang bagong saklay na iuuwi niya tuwing iiwan ito ni Darna. Nang matapat sila sa bangko ay napansin niyang hostage ang irog nitong si Eduardo ng Bazooka Gang. Nagmadali silang nagkubli sa likod ng poste ng street light saka tumingala sa malapit na fountain upang... makainom ng tubig. Dahan-dahang dumulas pailalim sa kanyang lalamunan ang… kapsula ng Flanax na inerekomenda ng doctor para sa pagtatag ng kanyang kasukasuan sa tuhod (unpaid comercial) dahil inabutan na siya ng oras ng pag-inom ng gamot sa daan. Upang matiyak ni Narda na makaiiwas ito sa over-dosage, minabuti nitong magpalampas ng talong minuto bago lulunin ang hindi kaputiang bato. Sa pag-iwas niyang makaaksaya ng mahahalagang sandali, sinamantala niya ang maikling minutong iyon upang ipahiwa ang kanyang bato sa laking hindi siya magkakanda-ugat-ugat sa leeg sa paglunok. Sa desisyong iyon ni Narda, masmalaki ang bahaging maihihiwalay kaysa sa bahaging mapapasalalamunan nito, ngunit sinigurado niyang mapapakinabangan pa din ang naihiwalay na bahagi sa pamamgitan ng pagtutuloy nito sa balak na pagsasanla sa bato.

Sa kasamaang palad, inabot ng mahigit kalahating araw ang pakikipagtransaksiyon nito sa empleyado ng Tambunting (hope to be paid advertisement) kaya naman nakalayo na ang mga holdaper nang hindi niya namamalayan at business as usual na ang eksena sa bangko pagpasok nito doon. Abala ang bawat empleyado ng bangko sa pagbabalik-ayos ng lahat kaya't walang makaharap asikasuhin ang hinimatay na si Eduardo na kasalukuyang masarap ang pagkakahilata sa sulok ng tanggapan. Nang makita siya ni Narda, nagmadli nitong inika-ika ang pagtungo sa banyo at duon isinubo ang bato at humiyaw ng buong lakas ng “Darna!” upang tawagin ang mga mahihiwagang tagapagbagong-anyo. Kumpara sa dati, masmabilis ang pagbabagong-anyo ni Darna nang mga oras na iyon ngunit mapupuna ang bahagyang pagkaputla ng kanyang kasuotan. Nagkulay tanso na din ang mga gintong palamuti nito. Hindi na din singkintab ang helmet niya. Habang ibabang bahagi na lamang ng buhok ni Darna ang kulot at masmaikli na ring di hamak ng isang pulgada ang mga takong nito. Gaya ng dati, hindi na naman napansin iyon ng bayani kahit pa palibot ang salamin sa silid kung saan siya nagpalit-anyo dahil sa masmaitim na usok ngayon. Pagkatapos noon ay tinakbo niya ang kinaroroonan ni Eduardo at saka niya ito dinampot at hirap na inilipad. Pakay sana niyang dalhin sa ospital kaagad ang mahal ngunit hindi na ganoon kabilis ang hindi na rin kataasang paglipad ni Darna.


Hindi pa man nakalalayo ay nagkamalay na si Eduardo. Nang makita nitong ang crush niyang si Darna ay nakayakap sa kanya, nailang ito at pumara. Iginiit ni Darna na idederetcho n’ya ito sa hospital upang matiyak ang kanyang kaligtasan ngunit nagdahilan ang binatang takot siya sa heights. Agad namang nauto ang superhiro. Habang ibinubulusok niya sa makahugot-pusong pag-landing si Eduardo ay namataan sila ni Valentina. Lalong kumulo ang dugo nito kay Darna.


Tinambangan ni Valentina ang lalapagan ni Darna upang sa sagupain ang karibal. Hindi pa man tuluyang nakalalapag si Darna ay sinalubong na ito ni Valentina ng maalingawngaw na sigaw ng hamon. Nabigla si Darna sa mga narinig kaya bigla siyang napapusisyong handa sa anumang atake sa pormang nakasuntok ang mga kamao. Nawala sa isip nitong tangan niya si Eduardo kaya nahulog ito ng hindi namamalayan. Mabuti na lamang at hindi na kataasan ang binagsakan ng binata kaya pamamaga lang ng pwetan at bahagyang bali ng buto sa hita lang ang tinamo nito. Lalong nagsumiklab ang galit ni Valentina sa ginawang iyon ni Darna. Gayundin ang kanyang mga ahas sa ulo, lubos ang pagnanais nilang matuklaw ang kahit ano mang bahagi ng seksing katawan ni Darna. Puro lalake pala sila. Ibinuhos na ni Valentina ang lahat ng maitim nitong kapangyarihan at inipon bilang higanteng bola ng enerhiya.


Sa kabilang banda, pinagbabanggit na rin ni Darna ang kanyang mga orasyon upang palabasin ang mga natatago nitong kapangyarihan sa katawan ngunit hindi ito sapat upang tapatan ang pwersa ni Valentina. Nais mang tumulong ng Enkantadang Gabay ni Darna ay wala itong magawa dahil mahigpit ang pagkakaselyado ng malaking bahagi ng hindi kaputiang bato sa loob ng Tambunting Pawnshop. Bagamat bukas ang sangay bente kwatro oras, pitong araw sa isang lingo, wala itong natatagong cash na pantubos.


Akmang handa nang ipukol ni Valentina ang naggugumalit nitong maitim na bola ng enerhiya kay Darna na handa na rin sa maaaring masaklap na sasapitin matapos tanggapin ang pwersa ng kapangyarihan ni Valentina, at nagsisiirihan na ang dalawa sa pagbuga ng kani-kanilang kapangyarihan, biglang huminto ang sistema ni Valentina at nanigas ang buo nitong katawan (Save by the bell!). Iyon pala ang oras ng kanyang pagpapalit-balat. At tuwing nagyayari ito ay kusang nagiging deactivated ang buong katawan ng Tawak o taong ahas sa ayaw man nito o sa gusto. Ang penomenang ito ay nagyayari lang tuwing ika-pitong henerasyon sa siklo ng buhay ng mga Tawak at nagkataong si Valentina ang nasa henerasyong iyon.


Ang proseso ng pagpapalit-balat ng Babaeng Ahas ay tatagal ng isang lingo. Sinamantala ni Darna ang pagkakataong iyon upang tangayin ang nanigas na katawan ni Valentina at hirap nitong inilipad ang Babaeng Ahas palayo hanggang mapadpad ito sa kagubatan kung saan natuklasan niya ang madilim at malalim na kweba. Buong lakas niyang initsa sa loob nito ang katawan ng Babaeng Ahas at saka lumipad pabalik sa bayan. Nang mamataan nito si Ding na nagkakanda-kuba sa kahihila ng kanyang yantok-pa-ring saklay, lumapag ito at saka ibinulalas ang palayaw nitong “Narda!”.


Hindi na nito naisip na ilipad nalang sana ang kaawa-awang yagit pauwi sa bahay-ampunan bilang gantimpala nito sa pagmamalasakit sa kanyang kasangkapan kaysa magbagong anyo bilang lumpo. Nag-effort pa tuloy ang mga tagapagbagong-anyo niya. Sa paglalakad nila pauwi ay nakasalubong nila ang iika-ika na ring si Eduardo dahil sa parusang tinamo nito mula sa pagkakabitaw ni Darna sa kanya. Nagkatinginan ang dalawa ng maligkit ng mata sa mata at nagkapaalaman. Tinungo ni Eduardo ang direksiyon ng kanilang mansiyon habang minabuti na ni Narda na kamitin ang naudlot nitong pangrap na makabili ng stainless na saklay bago pa man mahuthot ni Donya Perpekta ang pinagsanlaan nito sa bahagi ng hindi kaputiang bato.


Itutuloy mo…

No comments:

Post a Comment

Anong say mo?