Wednesday, November 10, 2010
Trahe de Boda
Share |
Trahe de Boda
Napakabata pa natin noon para masabing natagpuan ko na ang pangarap kong bestida. Singputi ng ulap, singlambot ng bulak, singgara ng nagkukumpulang sampaguita sa paanan ng Birheng Maria, at may pangkubli pa sa mukhang singhaba ng banderitas. Bagay na bagay sa mahinhing kilos ng maladyosang nagsusuot nito. Dumagdag pa sa kapinuhan ng dalaga ang tangan niyang kumpol ng mga puting rosas.
Tumatak sa utak ko ang Linggong iyon. Tamang-tama nang inaya mo akong magsimba e kasalukuyan ang seremonya ng isang magarbong kasal. Palibot ang mga malalagong bulaklak sa buong simbahan. Nakapangingilabot ang tiyempo ng koro na noon ko lamang narinig umawit ng lirikong nag-uumapaw sa pag-ibig. Agaw-pansin ang mga sutlang bestida ng mga abay. Gayon din ang barong ng mga kapareha nila. Ngunit, ang labis na pumukaw sa akin ay ang magkapareha sa harap ng pari. Tuon ang lahat ng mga atensiyon sa kanilang bawat sumpa. Ang bawat isa ay animoy sabik sa kung anuman. Bakas din sa mukha mo noon ang kakaibang aliwalas at paghanga. Iyon ang unang kasal na ating nasaksihan. Iyon din ang pinangarap kong kahantungan… natin…
Kahit nung mga bata pa tayo, ikaw lang ang lagi kong kasangga. Basta ikaw ang nagyaya, kanselado na lahat ng aking lakad. Walang kang lakad na di mo ko kasama. Walang malaki o maliit na sikreto ang di mo sinabi. Ngunit di ako naging patas sayo. May pangarap akong lingid sa inaasahan mo. Kahit sa biruan, hindi ako makaipon ng lakas ng loob na magpasaring sayo.
Natatandaan mo ba noong binigo ka ng babaeng tipo mo? Sinamahan kitang makapagpalipas ng sama ng loob. Sa kalasingan natin, sa wakas ay nakapagtapat ako. Nagtanong ka noon kung bakit ni minsan ay hindi man lang ako pumasok sa isang relasyon. Ang sagot kong medyo palihis ay, “Hinihintay ko kasi ang taong magpapasuot sa akin ng trahe de boda”. Tawang-tawa ka sa iyong narinig. Halos maisuka mo ang tatlong bote ng serbesang nainom mo noon. Pero nang mapansin mong medyo napahiya ako sa iyong reaksiyon, nakisakay ka nalang at muling nagtanong. “E sino naman yong taong yon?”. Dahil nasimulan ko na rin lang naman ay tinuloy-tuloy ko na ang pagsamantala sa kapal-mukhang dulot mg alak at buong tapang kitang sinagot, “Sino pa? Edi ikaw!”. Muli, halos gumulong ka sa paghalakhak.
Sa tugon mong iyon ay nahimasmasan ako at biglang binawi ang aking pagtatapat, “Syempre, biro lang yon, ‘kaw talaga!”. Bigla kang naubusan ng kiliti at nagseryoso, “Hindi ko gusto ang ganyang biro, pare!”. Nanaig ang panandaliang katahimikan saka ka muling humalakhak.
Noong mga oras na iyon ay damang-dama ko rin ang iyong pinagdadaanan, kaya nagpadagdag pa tayo ng maiinom. Masmabigat noon sa pakiramdam na naibulalas ko ang aking saloobin kesa noong kinikimkim ko lamang ito. Pagkatapos ng pag-amin kong iyon ay may dagdag pangamba pa akong maaring magkalamat ang ating samahan. Mabuti na lamang at mukhang magkasamang naglaho ang tama mo sa alak at ang ala-ala mo sa gabing iyon.
Mula noon, ibinaon ko na lamang ang pangarap kong walang pagkakataon, kailanman, na mabigyang katuparan. Ang pangarap kong hindi moral sa mata ng lahat, lalo na sa akin mismong pangarap.
http://maquoleet.blogspot.com
http://maquoleet.blogspot.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
wow trabe de boda. ganda ng story ha. true to life?
ReplyDelete@ bin0, thanks... Hindi naman... Auq manyari sa tru lifE q yan eh, kinul0t lang b... Thanks sa dalaw, uy, paAd naman ng fb q oh... Kooly Maquoleet
ReplyDeleteI love the story and It's been long since the last time I read a tagalog story! Superb!
ReplyDeletewww.sunnytoast.blogspot.com