Wednesday, September 22, 2010

May Remedyo Pa Yan!

Share
May Remedyo Pa Yan!

Kung ang pinaka-hate mong singing sensation ay ang Aegis dahil sa tuwing binibirit nila ang mga lirikong “Ayoko ng mangarap, ayoko ko ng tumingin, ayoko ng manalamin… nasasaktan ang damdamin”, pakiramdam mo ay pinagsisigawan nila ang makabasag-damdaming pandidiin sa kasawiang-palad mong mula-ulo-mukhang-paa, marahil ay hanggang ngayon kasi ay kasing tamad ka pa rin nang mga araw na nagsasaboy ang Panginoon ng Belo Gift Certificates at mas pinili mong mamasyal ala-Alice in the Wonderland sa iyong mga panaginip. Napakarami nang kasagutan sa pinakaiwas-iwasan mong paborito ng Q-and-A portion,How can you face that damn problem if that mere problem is your irksome face?
Hayaan mong simulan natin ang mga simpleng tips upang maremedyohan ang iyong kamalasan mula sa itaas, paibaba. Sa tuwing tinatanong ka ba kung saang-tubo ka, kalakip nito ang mga multiple choices na, a) Zambales, b) Capaz, or c) Dueg? At may clue pang “Kelan ka bumaba?” Kaibigan, wag ka ng magmaang-maangan, kasing buhok mo lang naman ang mga katutubong nilalang. Pwera racial discrimination pero hindi na “in” ang ganyang hairdo. Katawa-tawa na yan lalo sa mga kababaihan, maliban na lamang kung malinaw sa mga kritiko ang pro-wild life mong layuning ipagkawang-gawa ang ulo mo bilang pugaran ng mga naglilimlim na migratory birds. Kung kumpleto mo na ang iyong pambili ng bagong 3G phone, sing-halaga na niyan ang pampaunat ng abot-likod mong mga alambre. May oras ka pang magbago ng isip, bagong cellphone pero mukhang pang-agiw naman, o mukhang makikitatsing lang with your 3210 pero mukha namang magsu-shoot lang ng shampoo commercial? Pwede ring bilhin mo pa din yong phone, tawaran mo nalang para may pang-relax ka pa, 300 pesos lang, 3 days lang din ang efek.
Obvious namang hindi ka mahilig sa social networking pero tinanong ka pa din kung may facebook ka ba. Sumagot ka man nang pauli-ulit ng “Wala, wala, at isa pang bonggang-bonggang walaaahhh!”, sa pinakagalit at seryosong tono ngunit tawang-tawa pa din sila, kaibigan, pinagtitripan ka na. Ayon sa makabaklang diksiyunaryo, ang katumbas ng salitang facebook ay “mukhang binukbok“. Karaniwang sanhi nito ay katamarang maglinis ng pagmumukha kaya mayat-maya ang uslian ng mga acne, to the point na, congratulations… hihinto din sila sa pag-usbong, wala na kasing space. In fairness, effective naman ang mga papaya soaps, 10-15 pesos nalang ang mga retail sizes. May mga retail sizes na din ang mga anti-pimple creams. Pero dahil kakabili mo palang sa bagong 3G phone mo, mataas pa ng tumbas niyan sa sanlaan. Ipaubaya mo muna yan sa mga safe boxes nila at ipampa-facial mo ang napagsanlaan. Lima hanggang sampung session lang at motto mo na din ang nauusong “Only Belo touches my skin, stone touches yours…”
Problema mo nalang ang pangkukubli sa makabansa mong ilong gaya ng kay Allan, (tabi-tabi po). Ang mag-asawang Calayan naman ang eksperto dyan. Dahil napasakamay na ni Belo ang nalalabi sa ipon mo, managanganib ang titulo ng lupa’t bahay niyo. Muli, safe boxes ng Luwelyer ang bahala dun at sagot na ang iyong pang-nose lift. Pili ka, nakamansyong dapa ang ilong o squatter na matangos? Kung “A” ang sagot mo, pumili ka na ng nababagay sa kutis mong make-up para sa nose lining.
Matututo ka namang magsakripisyo ng kaunti sa iyong pagtatangkang ipasara ang mala-Ninoy Aquino International Airport sa kalaparan mong noo. Ipapuputol mo kasi ng bahagya ang kaka-rebond mo lang na buhok upang kurtinahan ng full-bangs ang iyong paliparan. Tyane o blade lang naman ang katapat ng mala-virgin forest sa kakapalan mong kilay. Makatutulong ang pagguhit dito ng lapis bilang hulma sa pagkukorte mo sa nais na hugis. Tanggap na rin ang paraang ito sa mga kalalakihan, huwag ng mahiya, kunwari ka pa.
Katawan mo naman ang ating pagdidiskitahan, kaibigan. Pamilyar ka ba sa linya ni Ate Showie na “Sakay na!” at hindi ka natutuwa dito? Yan ay dahil hindi lingid sayo na patama yan sa malabapor-sa-luwang ng iyong may-kalusugang pangangatawan. Hindi ka nga naman masisi, kaliwat-kanan ang handaan at paborito kang imbitahan. Hindi ito tips ng pampapayat dahil alam kong wala ka ng natitirang ari-ariang maaaring ipagpalit sa sanlaan upang tustusan ang isang liposuction operation mo. Nadadaya naman yan sa kasuotan. Syempre kailangang, una sa lahat, tanggap mo ang pagkawala ng kurba mo sa katawan dahilan na rin ng iyong kasibaan (actually hindi naman nawala eh, dumami pa). At dahil kumpol-kumpol na ang iyong mga namuong kolesterol, hindi mo nanaising mahalata sila sa pagsusuot ng masisikip na, naninipis pang kasuotan. Liban na lang kung balak mong magjakusi, bagay ang ganyang outfit doon (pero hindi bagay ang fitting mo sa jakusi, promise…) Ang mahusay na pantago sayong mga layers ay maluluwang ngunit kumportableng dresses, lalo na yung mga bulaklakin, mahusay silang pananggalang sa mauusisang paningin. Bagay din ang doll-dresses sayo ngunit may mga pagkakataong sasagutin mo ang katanungang “Ilang buwan na yan?” (At least… di ba? May bumuntis pa sayo sa lagay mo). Naitatama naman yan ng medyo malalapad na belts. Ibagay mo lang ang kulay teh. Wag na wag kang magsusuot ng stripes. Hindi naman kita pinipilit, kung gusto mo bahala ka, basta ba konti lang ang stripes dahil ang bilang nila ay ang sukatan ng iyong kalaparan. Iwas ka din sa skinny jeans, hindi uso sayo yan. Nakababawas din ng lapad sa tingin ang taas kaya rekomendado ang high-heels. Tiyakin lang na kakayanin ng tibay nito ang iyong timbang. Huwag tumapak sa malalambot na grounds, babaon ka teh. Oh diba… my safety tips pa.
Kung nagkamali ako sa hula at isa ka palang payatola, aba’y biyaya yan sayo kaibigan. Yan ay kung tama ang iyong pagdadala. Kahit madaling damitan ang uri ng iyong pangangatawan, malaki pa rin ang porsyentong mapagtutuunan ng pansin ang iyong mga kapintasan kaysa mapalutang ang iyong mga kalamangan. Bagay lang na patung-patong ang mga kasuotan mo. Pumili ng mga istilo ng jacket o denim vest na tipo mong ipaibabaw sa iyong tight shirts. Ang mga pahalang na linya at patterns ay makadadagdag ng kurba sayo, kaya kalimutan mo na ang mga linyang patayo. Ikandado mo muna sa lakasa ang yong mga high heels (or sa akin nalang) dahil magmumukhang maspayat ang iyong mga binti kaysa sa orihinal nitong kapatpatan kung matangkad kang tignan. Mabababa at magagaang boots lang ang kakayanin ng iyong mga paa. Bukod dito, ang mabuto mong paa ay naitatago nito, isa pa dagdag style ito sa mga paldang hinarbat mo pa sa lola mo. Payat ka na nga lang skinny jeans pa ang sinusuot mo, hindi lahat ng uso bagay sayo kaya iwasan mo ito. Marami namang straight cut denim designs ang mapagpipilian mo. Hindi mo na kailangang kumapit sa mga mabibigat na bagay tuwing umiihip ang buntot ng bagyo, magmumukha ka na kasing makapal sa pamamagitan ng chunky clothes na dumadagdag pa sa iyong hugis. Lalo kang pinapapayat ng sinturon sa iyong bewang, alisin mo na yan. Baby-doll style na bestida ang subukan mo, OK yan sayo, maniwala ka. Hindi ka naman giraffe, pero isa ka sa kanila sa mga mata ng tao, kaya itago mo ang mahabang leeg sa scarves at kwelyo.
Sawa ka na ba sa kasasaling ng iba? Baka oras nang magpakita ka. Lumabas ka sa punso at ipagmalaki ang iyong hitsura. Mapapansin ka na kung gagamitan mo sila ng abilidad mo sa panlilinlang. Titingalain ka sa kasuotang may iisang tinta lalo na kung madidilim na kulay ang nakabalot sayo. Masmaigi kung sukat-na-sukat sayo ang damit mo. Wag nang mag-abalang dagdagan pa ng mga tela ang katawan, nakabibigat ito ng iyong timbang sa paningin. Mahusay na pili ang mga patayong linya at desenyo. Ano ang meron kay Ate V, Garry V, Michel V, at jolly V, ang sing-hugis ng neck line na nakakalikha ng ilusyong magpapatangkad sayo? Ava, malay ko. Ang mga kasuotang may U-neck line ay may pareho ring epekto. Syempre, makakaligtaan mo ba naman ang pinakamadaling paraan ng pagpapatangkad? Kahit hanggang 12 inches na heels pa yan, basta ba keri mong irampa, walang pipigil sa iyo dyan. Basta ba iwasan mo lang ang may strap na panyapak. Nilalabag nito ang patakarang “bawal ang linyang pahalang”. Ibaon ang idiyang magsuot ng makakapal na damit. Tiisan muna ito, kahit taglamig, kung ayaw mong lumapad ka sa paningin, upang mangibabaw ang iyong nandarayang taas. Lulunurin ka ng malalaking bags. Hindi mo naman siguro babalaking magtago sa loob ng mga iyan. Dapat patas lang ang labanan. Hindi para sayo ang sing-liliit mong mini skirts. Binibigyang-diin nito ang malulusog mong hita na nagpapaiksi sa iyong mga paa. Nipisan lang ang mga sinturon o di kaya’y kalimutan mo na lamang ang mga ito. Kung mahigpit mo itong kinakailangan, iterno lang ang kulay sa suot upang hindi makasagabal sa layuning buoin ang diretsong patayong linya. Hahatiin kasi sa dalawa ng kontrang kulay ang iyong pigura. Iwasan din ang mauumbok na bulsa ng pantalon, diretsong putol lang ang pagtuunan.

Lagi ka mang huli sa pila tuwing “find your hight” ang regulasyon, mangunguna ka naman sa pangmodelo mong kataasan na dadamitan mo ng panlilinlang. Upang mabawasan ang hindi masabay-sabayan mong pamamayagpag, ugaliing suotin ang mahahabang damit na may diretsong daloy. Ang mga blusa ay dapat sinusot ng nakaibabaw sa palda at iwas-iwas lang sa mahihigpit na sinturon. Dapat ding malalapad ang mga ito. I-donate mo na lang sa mga sinalanta ang masisikip na, sobrang iksi o sobrang haba pang mga damit mo. Dapat ay terno ang pantaas sa pang-ibaba mo nang hindi ginagamitan ng sinturong taliwas ang kulay. Huwag mo nang pangarapin ang mini skirts dahil bagay naman ang mahihigpit at maiiksing pantalon sayo. At dahil nagbabawas ka nga ng taas, hindi mo gugustuhing mag-high heel, kundi flat na pampaa, na madetalye sa gawing harapan, lang iyong ilalakad. Malaporselas na hikaw ang piliing isabit sa mga tenga dahil lumalaki ka lalo sa paningin kung malasingsing lang ang mga ito. “Masmalaki, masmaigi”, hindi sukat ng diamante ang tinutukoy ko, dahil hahablutin lamang ito, kundi sukat ng bibitbitin mong bag. Maaaring sapawan ang laki mo ng malalaki ding desenyo sa kasuotan, kaya rekomendado ito sayo. (kung sa bagay, masmalaking bag masmasarap din nga namang hablutin)
Singhaba na ba ng MRT ang tingin mo sa mga paa mo at nanganagmba kang hindi mo matantiya ang distansiya ng mga ito sa sinusundan, at baka mapipi mo sila sa isang tapak lang? Exage ka naman kung ganon. Pero kung paranoid ka na at despiradong umiksi ang mga panapak mo sa mata ng iba (at sayo na din), gumamit ka ng pabilog na dulo ng sapatos at hindi patusok. Dapat din ay madidilim na kulay ang piliin. Kung ang mga sandalyas mo ay masyadong naglalantad ng mga bahagi ng iyong paa, ipaanod mo nalang ito sa ilog, dahil inaabangan yan ng mga dukhang hindi makabili ng ganyan. Pinapakita lang kasi nitong naghihimutok sa laki ang iyong mga yapak at nagpupumilit kumawala. Sakto kung ganon ang mga saradong tipo ng sapatos sa paa mo. Ngunit masmalaking bahaging nakatakip sa ibabaw ng iyong mga paa ay hitsurang masmalaking paa mismo. Kaya piliin ang mga desenyong lampas lang konti sa mga daliri ng paa ang takip. Syempre, iwasan mo ang mukhang malalaking sapatos. Kung nanghihinayang kang itapon ang mga malalaking sapatos mo dahil yari sa purong balat ang mga ito, makakalikasang gawi ang pagre-recyclehelmet sa mga ito. Mahusay itong proteksiyon tuwing nagmamaneho ng motorsiklo. Gamitin mo ito bilang helmet gayong hindi naman nalalayo ang hitsura ng mukha mo sa iyong mga paa. Nakatulong kana sa kalikasan, ligtas ka pa sa kapahamakan.
Kung madami ka pang kapintasan sa katawan, kahabag-habag naman ang iyong kalagayan kaibigan, pero huwag mag-alala, lagi tayong may remedyo dyan. Kailangan mo lang maging masigasig sa paghahanap ng mga paraan upang sulusyunan ang iyong mga problemang pangkagandahan. Pantay-pantay naman tayo sa mga mata ng Maylalang, sa mga mata Niya lang. Sorry ka nalang dahil sa mga mata ng kapwa mo hindi invisible ang mga mali sa pagkakahulma sayo. Kaya kaibigan, ang payo ko sayo, huwag tatantanan ang mga remedyo.

1 comment:

  1. Greetings from Idaho! I'm bored at work so I decided to browse your blog on my iphone during lunch break. I love the information you provide here and can't wait to take a
    look when I get home. I'm shocked at how fast your blog loaded on my cell phone .. I'm not even using
    WIFI, just 3G .. Anyhow, great blog!

    Take a look at my blog post :: wheelchair

    ReplyDelete

Anong say mo?