Monday, September 26, 2011
Trak-trakan!
Share |
Naging masmadalas na ang pagsumpong ng sakit sa puso ni Carl nitong mga nakaraang araw. Sa pinakahuling atake ng sakit nito ay kinailangang lumiban siya sa klase ng dalawang linggo upang magpaggaling sa hospital.
Bihira lang siyang makalabas upang makipaglaro sa mga bata sa kalye sa tapat ng bahay nila, dahil nakasasama sa kanya ang mapagod. Awang-awa ang mga magulang ni Carl sa kanya ngunit wala naman silang magawa dahil hindi naman ganoon kasapat ang pinagsamang kita ng kanyang ina sa pananahi at ng kanyang ama sa paextra-extrang pagmamaneho ng taxi upang tustusan ang kanyang paggagamot. Napakainosente pa niya para maagang danasin ang mabigat na pagsubok sa buhay. Pinayuhan pa ang kanyang mga magulang ng doktor na pansamantala muna nilang ihinto sa pag-aaral ang bata dahil makadaragdag lang sa pagsama ng kalagayan nito ang nalakalilitong palaisipan o pagsusulit sa eskwela.
Ganoon pa man, nakakikitaan ng kasiyahan si Carl sa araw-araw na simpleng pag-aabang sa makulay na Delivery Truck ng convenient store malapit sa kanila. Humihinto iyon sa kantong tanaw mula sa salas ng bahay nila, tuwing bandang ika walo ng umaga. Iyon kasi ang oras ng pagrarasyon nito ng produkto sa tindahan. Responsableng humihinto ang sasakyan upang sundin ang batas trapiko. Ngunit matulin naman itong humaharurot pagkapula ng ilaw na siya talagang inaabangan ni Carl. Natutuwa kasi ito sa mahusay na pagmaneobra ng drayber nito sa mga biglaang pag-liko at maagap na pag-hinto kung may mga hindi inaasahang pedestriyang tumatawid.
Batid ng mga magulang ni Carl ang bihira at mangilan-ngilang pagkakataong bumubuka ang mga labi ng anak upang ngumiti. Paraan niya iyon upang bigyang-pugay ang paghanga sa Dilivery Truck. Hindi man niya masambit sa mga magulang na ibig niyang magkaroon ng trak-trakan bilang kalaro sa loob ng bahay, halata iyon ng kanyang mga magulang. Kaya naman palihim nilang pinag-iipunan ang malaking trak-trakang pinagmamasdan nito sa malapit na toy store sa kanila. Isa pa, makatutulong sa kanyang mabilis na pag-buti ang palagiang pagsasaya ayon sa payo ng doktor. Kaya kahit sa simpleng pagbibigay ng bagay na kanyang ikatutuwa ay sa ganoong paraan na lang bumabwi ang kanyang mga magulang, hindi kasi nila kayang suportahan ang kanyang mahal na gamutan at operasyon sa puso.
Nag-iisang anak si Carl at mahal na mahal siya ng kanyang ama’t ina. Kung magkakaroon lang sana sila ng magandang pagkakataon upang bigyan ng magandang buhay ang kanilang anak, walang pagdadalawang-isip nilang susunggaban ito. Ngunit hindi iyon ganoon kadalin para sa kanilang parehong hindi nakapag-aral.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, humina nag benta ang convenient store na malapit sa kanila. Naging dahilan iyon ng madalang na pagdaan ng Delivery Truck na inaabangan ni Carl. Matiyaga pa rin siyang nag-aabang araw-araw upang sakaling mapadaan ang makulay na truck, ngunit naging masmadalang pa ang pag-daan nito. Bakas na sa mukha ni Carl ang unti-unting pagkatamlay. Nag-aalala ang mga magulang nito dahil nagsisimula palang sana siyang bumuti, ay saka naman muling lumala ang kalagayan ng kanilang anak. Hindi pa man sapat ang naiipon ay sinubukang bilhin ng ama ni Carl ang laruang truck sa toy store. Walang ibinaba ang presyo nito mula noong una nilang makita at kapos talaga ang dalang pera ng kanyang ama upang maiuwi ang laruang maaaring makpag-balik sigla sa kanilang anak. Bigong umuwi ang kanyang ama. Malaking halaga pa ang kulang upang mabili ng mag-asawa ang laruan. Hindi pa rin dumadaan ang makulay na truck at hindi na maipagkakaila ang lungkot sa mukha ni Carl.
Muli na na namang umatake ang sakit ni Carl. Hirap siyang huminga at kailangan niyang makainom ng mamahaling gamot na laging reseta ng doktor. Ang perang naitatabi nila upang bilhin ang laruan ay higit na salat upang bilhin ang kailangan nitong gamot.
Nang bahagyang humupa ang kalagayan ni Carl sa paghehele nilang mag-asawa, gumayak ang kanyang ina at walang-paalam na lumabas ng bahay. Dala niya ng perang inipon nilang mag-asawa. Magdidilim na nang siya’y makabalik, dala ang malaking kahon. Binili ng ina ni Carl ang malaking trak-trakan na matagal ng pangarap laruin ngkanilang anak. Mahimbing na nagpapahinga ang anak kaya nagpasya ang mag-asawang kinabukasan pag-gising ng anak nalang nila ibibigay ang ang regalo.
Dahil sa pagtataka kung paano nabili ng asawa ang laruan, tinanong ng ama kung saan kinuha ng ina ang pinangdagdag sa ipon. Ipinaliwanag daw nito sa may-ari ng tindahan ang kalagayan ng anak at ang tungkol sa perang mayroon lamang siya. Naawa ang may-ari ng tindahan at naunawan ang kanilang kalagayan kaya pumayag itong pagtrabahuhan nalang ng pobreng ina ang kulang sa pambili ng laruan. Iyon ang dahilan kaya madilim na itong nakauwi.
Kinabukasan, maagang nagising si Carl at kaagad nag-abang sa salas sa Delivery Truck. Perpekto ang pagkakataong iyon dahil kita ang pagkasabik ng bata na parang ramdam nitong daraan sa araw na iyon ang paborito nitong sasakyan. Sabay sanang ibibigay ng mag-asawa ang laruan sa anak ngunit maagang umalis ang ama. Dahil sabik ding makita ng inang muling ngumiti ang anak, nilapitan niya ito at saka marahang tinawag sa kanyang pangalan. Paglingon ng ni Carl ay bumulaga sa kanyang harapan ang malaking kahong tangan ng kanyang ina. Nandilat ang mga mata nito sa pagkabigla, saka agad sinundan ng malaking ngiti. Mabilis nitong inabot ang kahon mula sa kamay ng ina. Halos kasing-laki niya ito. Walang segundo itong inaksaya at agad niyang binuksan ang kahon upang ilantad ang malaki at makulay na trak-trakan mula sa loob nito. Nagtatalon si Carl sa tuwa at biglang yumakap ng mahigpit sa ina. Bilang lamang sa mga daliri ang pagkakataong bumibigkas si Carl. Kaya noong pagkakataong iyon na bigla siyang napabulalas ng “Salamat po, nanay!” mula sa ilang araw ng kaniyang malungkot na pananahimik, ay parang kinurot ang puso ng kanyang ina sa tuwa at hindi nito napigil ang pagbagsak ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Niyakap siya ng mahigpit ni Carl at gumanti naman ng yapos ang ina.
Sinabi ng ina sa anak na matagal nilang pinag-ipunan iyon ng kanyang ama. Hindi mapigil sa pagkaabala si Carl sa kalalaro ng kanyang bagong trak-trakan. Nasabik itong ipagyabang sa mga bata sa labas ng bahay nila kaya matulin itong tumakbo palabas buhat-buhat ang laruang trak. Pagkatapak nito sa kalye ay inilapag niya ang trak at saka ipinagmalaki sa mga batang dati niyang kalaro. Itinulak-tulak niya ang laruan at umandar ito papunta sa gitna ng kalye. Hinabol niya ito ng matulin. “Blaaaaaaagggghhhh!”
Malakas ang pagkalabog. Sunod noon ay malakas na paghiyaw ng isang ale. Malakas na hiyaw na may halong takot at kaba. Ang ina ni Carl ang sumigaw. Tumilapon ang katawan ng bata sa gilid ng kalye. Nagkalat ang wasak na mga bahagi ng makulay na laruan. Duguan si Carl. Halos hindi makahakbang na nilapitan siya ng kanyang ina. Naghihingalo pa ang bata habang hawak ang isang gulong ng laruang trak.
“Carl, anak, nandito na si nanay…” nanginginig nitong sambit habang dahan-dahang dinampot ang lupaypay na si Carl.
“Anak, maglalaro pa tayo ng trak-trakan diba? ‘Wag ka muna matutulog ah…” lumuluhang sabi ng ina sa anak.
Pilit, ngunit sinubukang sumagot ni Carl ng ngiti sa kanyang ina. Pagkatapos noon ay dahan-dahang sumara ang kanyang mga mata, at tuluyang bumitaw sa hawak na gulong ng laruan.
Bumukas ang pintuan ng Delivery Truck na nakabundol kay Carl. Lumabas mula sa driver’s seat ang kanyang ama. Maagang umalis ang ama ni Carl upang makiusap sa kumpanyang may-ari ng Delivery Truck na imaneho niya ang makulay na sasakyan kahit sa araw lang na iyon. Ikinuwento kasi niya ang kalagayan ng kanyang anak kaya pumayag ang may-ari nito. Nanlulumo siya’t lumuluhang lumapit sa kanyang mag-inang nasa gilid ng kalye… nagkalat sa kalye ang mga bahagi ng wasak na trak-trakan!
Ang maikling kwentong ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 3
( www.saranggolablogawards.com )
Monday, September 12, 2011
E.K. FOR THE 2ND TIME AROUND!
Share |
Second time ko na sa E.K. Una, nong field trip namin noong February lang. Dalawa lang ang nasakyan ko noon dahil ang hahaba ng mga pila. Chinese New Year kasi non. Isa pa, hapon na nagbukas ang amusement park non. Pero this time, 11 a.m. palang, bukas na sya! Kaya maaga kaming nagparty-party!
Inikot naming ang E.K. mula sa kanan. Pagkatapos iwanan ang mga gamit sa locker, nagwarm-up na kami ng mga lalamunan sa katitili sa unang ride, ang Bumpcar! 1st time ko lang masakyan yun. Masaya pala kahit walang direksyon nag takbo ng kotse mo, kahit di mo kilala ang nababangga mo, at kahit naaalog ang utak mo! Bongga!
Dahil medyo nagkawindangan na sa simpleng ride na yun, nagaevel-up kami konte. Ang challenge, sumakay ng walang emosyong mapo-project sa mukha. Ang humamon? Roller Skates! Mukang simpleng pambatang mini rollercoaster lang naman siya kung tutuusin. Pero nung nagsimula ng umandar, walang nagwagi sa challenge. Lahat ay guilty sa pagbanat ng vocal cords.
Hindi ganon ka-busy ang mga rides kaya umaga pa lang, nakakarami na kami. Agad naming pinuntirya ang Anchors Away na mula sa malayo ay mukang nagtatawag ng lululain sa kaduduyan. Dahil 1st time ko ding masakyan yon, sa pinakadulo ako pumuyesto, para masulit ang utmost effect nito. Dahan-dahang nagpaswing-swing ang barko at muling nagsitilian ang mga lalamunan namin. Tuwing kami ang nasa taas, pakiramdam ko ay tumataob ang barko at pilit kaming tinatapon. Mabuti na lang at abot ko ang bakal sa likod ko, kahit papaano ay may kinakapitan ako dahil wala man lang sitbelt ang ride. Dito na nagsimulang magasgas ang aking lalamunan. Medyo tumitibok-tibok na rin ang aking sintido.
Sunod naman ay ang wisikan portion, Jungle Log Jam. Tatlo kami sa isang trosong bangka. Masaya kahit nakababasa. Una, mababang bagsakan lang pero pagdating sa ultimate na padulasan ng bangka, para kaming hinuhulog sa talon. Napakataas at napakatarik ng pinagbulusukan mamin. Muling nagsibanatan ang mga bunganga na kuhang-kuha sa mga pictures. Pagbagsak, lahat basa.
Marami-rami na kaming dinaanang pagsubok at pagsasanay. Panahon na upang harapin ang pinakamatinding hamon, ang Space Shuttle! Hindi ko napansing nauna na pala sa pila ang mga kasama ko habang nilalaro ang bote-bote. P50 isang laro, walang free trial. Parang minamani lang ng staff kaya naengganyo akong sumugal para sa premyong giant Bangis stuff toy, wala naman akong napala. Mabalik tayo sa kalawakan. Pagsunod ko sa mga kasama ko sa Space Shuttle, marami ng mga nakapila, tuloy nakasakay na sila. Mag-isa ko nalang sumakay at wala akong katabi sa 2-sitters na pwesto. May libreng photoshoot pa bago umandar. Pakiramdam ko tuloy e huling kuha ko na yun na buhay ako. Habang umaangat ng dahan-dahan ang papatay sa aking rollercoaster, namamalas ko ang kabuuan ng E.K. Natatanaw ko din ang aking mga kasama sa baba na nagchi-cheer sa akin. Saka biglang bumulusok pababa ang ride! Sa sobrang ewan hindi ko nagawang tumili! Tuwing bumabaliktad ang sasakyan, hindi ako pumipikit para maranasann ko ng buong-buo ang pakiramdam ng pinapatay ng walang kalaban-laban. Pag-dating sa dulo ay biglang kakalabog na parang nasiraan ang tren at bahala-kang-bumaba-mag-isa-mo ang labanan. Pero hudyat lamang iyon ng pagbuwelo sa pangalawang pagtatangka sa buhay mo ng patalikod. Oo, dahil literal na paatras ang takbo ng Space Shuttle sa parehong bilis upang ibalik ka sa pinanggalingan mo. Hoooh! Nakakaunat ng buhok ang experience kong iyon.
Pagkatapos non, relax mode muna. Lamon portion naman. Buti nalang at nauna kaming mag-rides bago kumain, kung hindi, kawawa naman ang mga nasa likuran namin sa mga rides dahil maliligo sila ng mga suka kung sakali.
Hindi na kami nag-aksaya ng panahon. Pagkatapos ng kain, sumakay uli kami, pero dahil extended pa rin ang relax mode namin, dun muna kami sa mild rides lang. Realto! 2nd time ko na sa Realto. Noong una kong punta, Happy Feet ang showing, this time, para maiba lang, Happy Feet pa rin. Tagal mag-blockbuster ng show na yun ah, 7 months running! Pero enjoy pa din kahit medyo memorized ko na ang bawat nginig at sway ng mga silya. Hehe!
Lulalan kung lulaan naman ang labanan ng next ride namin. Ang malaking Wheel of Fate! Hindi gaya ng unang sakay ko dito nung Feb, maiksi lang ang pila kaya nakasakay kami agad. Maganda sa itaas dahil kita mo halos ang kabuuan ng Laguna. Abot-tanaw din ang Laguna lake. Hindi na ako sin-lula ng unang sakay ko duon. Sa katunayan nagagawa ko pang tumayo kahit nasa pinakatuktok na kami para magpa-picure habang ang iba naming kasama sa kabila ay parang mga maniking hindi man lang nagkikibuan sa ngatog!
Enough for relax mode! Basaan festival naman ang sunod. Riogrande! Ang pinakana-enjoy ng karamihan! Inasahan ko na ang ride na ito kaya nagbaon ako ng extra-clothes, complete set, pati underware at twalya. Hindi rin ganon kahaba ang pila at medyo mabilis lang naman ang andar ng pila. Bago kami sumakay ay biglang bumuhos ang ulan. Medyo gusto ko ng umatras non dahill ayokong masyadong mabasa kahit pa handa naman ako. Hindi ko inakalang wala lang pala ang basang dulot ng ulan kumpara sa tubig na kayang ibuhos ng ilog mismong kinalulutangan namin.
Sa unang sakay namin ay banatan na naman ng vocal cords ang labanan. Palakasan ng tawa, tili at tuksuhan dahil habang ang ilan ay wisik lang ang inabot, ang iba ay talagang ligo ang kinahinatnan. Dahil hindi nakuntento at nais gumanti ng mga nabasa, pumila uli kami. Ang challenge this time, basain ang mga tuyong bahagi ng mga nauna ng naligo, paliguaan din ang mga nananatiling tuyo, at basain ang water proof kong kingky hair! Pagkatapos nga ng muling paglalayag ay tagumpay ang bawat isa sa plano. Walang naiwang tuyo. Basa lahat kahit loob ng mga sapatos at higit sa lahat, hindi kinayang manatiling tuyo ng aking buhok dahil natapat ako sa falls nung umikot ang salbabida!
Ibang trip naman ang sinubukan namin. Pinasok naming ang bahay-ni-lola sa halagang P50. Sa entrada pa ang ng Horror House ay pirmi na ang tilian dahil sa nakabibiglang loud horror sound effect na nagpaatras sa dalawa naming kasama. Hindi na sila tumuloy haha. Samantalang masnakakatakot pa yung ginawa kong pag-gulat sa mga kasama kong nasa likuran ko nung bigla akong lumabas sa likod ng pinto habang pa-exit sila.
Nag-pahinga lang kami konti sa mga benches. Medyo nagdidilim na noon pero nagsimula na ring pailawan ang buong amusement park. Pagkapahinga at konting lakad-lakad, medyo nagkahiwa-hiwalay na. Pero marami pa rin ang game ituloy ang basaan. Muli kaming pumila sa Riogrande at nagkukulitan sa palutang namin habang kinakabig ito para matapat sa mga malalaking alon at falls ang mga target basain. Hoooh! Ang saya. Kahit pakiramdam ko noon ay lalagnatin na ako sa ginaw at sa pagkabasa ay gusto ko pa ring ulit-ulitin, ganon din ang aking mga kasama. Kaya sa ikaapat na pagkakataon, pumila uli kami at nagpatiagos sa ilog at muling nagsisigawan habang tuluyan ng nagsisiligo ang bawat isa sa mga alon at wisik. Sabon at shampoo nalang ang kulang.
Nagsawa din ang lahat sa kapapasyal, kasasakay at sa hiluhan kaya nagsibihis na kami at nagkitakita upang panoorin ang fireworks display bandang 8:30 pm na sinasabayan pa ng musika bilang tanda ng pagtatapos ng lahat sa araw na iyon!
Babalik uli ako upang subukan naman ang mga hindi ko nasubukan na naenjoy ng iba kong kasama gaya ng go-cart, 4D, at free fall! See yah there! It was a nice team building experience!
Tuesday, September 6, 2011
4D Radio
Share |
Mula nang sumakabilang-buhay ang kalahati ng aking buhay na si 6270, na hanggang sa ngayon ay hindi ko pa nareresurect, ay kalahati nalang ang natitira sa aking buhay. One-fourth na bahagi nito ay si bestfriend TV.
Pero kinailangan ko siyang lisanin upang makipagsaalaran sa siyudad. Tama, “siyudad”, as in CITY. Kaya, keri lang. Marami naman katulad niya o mas higit pa ng matatagpuan ko sa siyudad.
Hindi nga ako nabigo, napakarami nila. At walang aparador sa likod kahit ga-dingding ang mga lapad, di tulad ng sinakripisyo kong iwanan sa bahay sa probinsya. Napakarami nga nila kahit sa mga kalye, pwera sa bago kong tinitirhan. Muli, nabawasan na naman ang aking buhay. ¼ nalang ang natitira. Hingalong-hingalo na ako. Wala na ang aking mga entertainer. Hell boring ang bumabalot sa aking araw-araw na buhay ngayon.
Mabuti nalang at kahit papaano, sinalba ako ng radyo. Ang tanging entertainment showcase namin sa bahay. At ang radyo sa siyudad ay nandadaig ng telebisyon kung padamihan lang naman ng estasyon ang labanan. Hindi ka magsasawa.
Kahit mayat-maya mong pihitin kung umay ka na sa genre ng tugtog ng unang estasyong tinambayan mo. Mula sa pinaka-classic na music hanggang sa pinaka-“in”. Mula sa pikamaiingay na tugtog, hanggang sa mararahang kundiman at instrumentals. Napakakwela ng mga pakulo tuwing patalastas. Napakomik ng mga DJ. Kung hindi ka hahagikgik sa katatawa, mapapa-emote ka sa mga musika.
Kahit papaano ay updated na din ako sa mga balita kahit dinadaan ko nalang sa imahinasyon ang pagkakasalaysay ng reporter sa ka lubha ng mga bagyo at siksikang trapiko.
Sa radyo ko rin unang na-exerience first hand ang first-ever “4D Scene”. Habang ikinikwento kasi ng DJ ang drama-lovestory ng mga sumusulat ng kwento ng buhay nila sa programa niya eh daig pa ang 3D ng pagsasabuhay ng aking imahinasyon sa kwento. Dagdag pa ang mga nilalapat ng DJ na napaka-angkop na kanta. Parang nilikha para sa buhay ng mga namahagi ng kanilang kwento.
Akalain mo din bang sagap ng radyo ang mga estasyon ng telebisyon? Kaya tuwing palabas na ang game-shows sa TV ng kapit-bahay, sinasabayan din namin sa radyo at saka nilalakasan ang volume. Saka kami magtatawnan ng malakas na parang kitang-kita namin ang mga patawang eksena. Papalakak tuwing matatapos ang mga intermission na parang hangang-hanga sa makulay at mahusay na pagpapakitang-gilas ng mga tauhan. Makikisimpatya na parang minamalas ang mga nararanasan ng mga audience.
Minsan narinig kong nagdadaldalan ang mga DJs tungkol sa itatagal ng radyo sa ating henerasyon. Malakas ang paniniwala nilang papanaw nalang daw sila pero mananatili pa ring buhay ang radyo.
Kung sa bagay, naaalala ko pa noong nasa mga unang taon ko pa sa elementarya, Hindi pa uso ang TV sa amin noon. Sa radyo kami nakikinig ng mga drama. Mahusay na ang mga pagsasadula noon. Nakailang palit na kami ng telebisyon mula sa maliit na black-and-white hanggang sa papalaking de-kolor na ang mga palabas. Pero kahit ganon na kalayo ang narating ng teknolohiya, na kahit may computer na, na kayang sapawan ang radyo, pahayagang imprenta at telebisyon, nananatiling buhay ang tunog ng ating kinalakhang radyo. Sa katunayan nga ay lalo pa itong umunlad at hindi maipagkakailang lumawak pa ang kanilang impluwensiya.
Gaya nga din ng sinabi ng mga DJs na aking napakinggan, kumapara sa ibang uri ng media, ang radio ay isa sa mga pinaka-accessible, lalo sa mga lugar na liblib. Ultimo cellphones o portable music players ay may access sa radio. Hindi naman magdadala ng TV ang mga magsasaka sa bukid upang makibalita sa panahon. Ang badoy naman ng ganon.